August 27, 2009
KGG. JOEY C. MEDINA
Punongbayan
Munisipalidad ng Pateros
Mahal na Kgg. Medina:
Magandang araw!
Ako po ay isa sa mga guro ng Pateros Technological College na naniniwala at sumusuporta sa lahat ng inyong mga magagandang adhikain ng pagbabago at kaunlaran para sa bayan ng Pateros ay dumudulog sa inyo upang makahingi ng kaunting tulong at atensyon sa mga sumusunod:
1. ANG MATAGAL NA PAGKAKAANTALA NG SAHOD NAMING MGA PART TIME INSTRUCTORS
Nais po naming ipabatid sa inyong tanggapan ang tungkol sa aming matagal na pagkakaantala ng suweldo bilang part time instructors na nagiging malaking sanhi at balakid sa aming adhikaing makapaghatid at makapagturo ng mataas na kalidad ng edukasyon sa mga mag-aaral. Kgg. Medina may ilang pagkakataon na ang aming suweldo ay halos matatapos na po ang susunod na cut-off ng kinsenas bago namin matanggap. Dahil dito, kami ay nahihirapan sa pagbubudget ng aming suweldo, upang mapagkasya para sa pang-araw araw ng gastusin ng aming pamilya at sa amin bilang isang guro. Sa ilang pagkakataon ng pagkakaantala, kami ay nahaharap sa malaking suliranin tulad ng: kung papaano at saan namin kukuhain ang pang-araw araw na pamasahe papuntang paaralan at pera para sa aming pagkain. Alam na rin po namin na ang aming sahod ay dumadaan po sa PRE-AUDITING ng COMMISSION ON AUDIT hanggang dalawa o tatlong (2-3) araw at ito ay aming nauunawaan. Sana po malaman na rin namin kung saang departamento sa munisipyo nagkakaroon ng matagal na pagkakaantala ang payroll ng mga guro ng PTC dahil dito sa paaralan kami ay pinapagawa isang (1) araw bago o sa mismong cut-off para sa kinsenas ng DTR report na agad nagagawa at napoproseso ng in-charge dito. Sana naman po Kgg. Medina magawan ninyo ng solusyon na huwag naman pong umabot ng ganoong katagal na halos matatapos na ang sumunod na kinsenas saka namin makukuha ang sahod noong nakaraang cut-off. Dahil sinabi po ninyo na basta payroll o pasahod sa mga empleyado ng bayan ay hindi dapat pinapatagal at bigyan ng immediate attention/action na agad maproseso.
2. ANG MAS MAHABANG ORAS NG SEGURIDAD NG AMING MGA MAG-AARAL
Kami po ay humihingi ng tulong sa inyong pamahalaan tungkol sa mas mahabang oras ng seguridad ng aming mga mag-aaral mula sa masasamang elemento ng komunidad. Dahil minsan, sa mga iilan at hindi inaasahang pagkakataon, ang aming mga mag-aaral ay napagkakatuwaan ng mga ibang tao na nakapaligid sa paaralan. Maraming mga hindi pamilyar at kahina-hinalang mga tao ang tumatambay at nakikisalamuha sa aming mga mag-aaral sa paligid ng paaralan. At ito ay aming ikinababahala na baka mayroon ng hindi magandang pangyayari sa mga mag-aaral tulad ng: baka mahikayat silang mapasama sa masasamang elemento at mapagamit pa sila ng mga pinagbabawal na gamot na pwedeng maging sanhi ng paggawa ng mga bagay na hindi naaayon at taliwas sa kagandahang asal. Kung maaari pong bigyan ninyo ng mas mahabang oras mula umaga sa pagpasok at hanggang uwian sa gabi ng mga mag-aaral ng mas mahigpit na seguridad tulad ng pagsita sa mga hindi mag-aaral ng PTC na nakatambay sa paligid upang maiwasan at mailayo sa anumang disgrasya at masasamang elemento ang mag-aaral at ang paaralan na rin mismo. Ayaw naming mabahiran ng iba at hindi magandang imahe ang nag-iisang kolehiyo ng ating bayang Pateros. Naniniwala kami na ang magandang edukasyon ay nangangailangan ng seguridad mula sa pamilya, paaralan, komunidad at pamahalaan. Dapat nating proteksyunan ang mga kabataang mag-aaral mula sa kanser ng bayan.
3. SA AMING IDENTIFICATION (ID) CARD BILANG PART TIME INSTRUCTORS AT EMPLEYADO NG PAARALAN
Bilang mga part time instructors at empleyado ng Pateros Technological College ay humihingi at dumudulog sa inyo na mabigyan at magkaroon ng Identification (ID) Card kaming mga guro. Nais po sana naming magbigyan at magkaroon nito bilang isa sa mga supporting documents at patunay na empleyado ng Pateros Technological College para sa propesyonal na pangangailangan bilang mga guro. Dahil may mga pagkakataon, kami ay hinihingian ng ID card ng kolehiyo bilang katibayan na kami ay empleyado/guro para sa mga seminars na aming pinupuntahan sa pagpapalawak at pagpapataas ng kalidad at antas ng pagtuturo tungkol sa aming mga fields.
Ako po ay umaasa sa inyong mabilisang pagbibigay solusyon sa idinulog kong mga problema. Ako kasama pa ng iba pang mga guro ng Pateros Technological College ay nagtitiwala at naniniwala sa Pamahalaan ng Pateros kung kaya kami ay inyong maaasahan at kaakibat sa mga adhikaing para sa bayan na: MAS NA MAS, PATEROS, SA PAGBABAGO AT KAUNLARAN, KARANGALAN KA NAMIN!
Maraming salamat po!
Gumagalang,
CONCERNED TEACHER